Wala akong ganang mag-blog nitong mga nakaraang buwan lalo na ngayon na blackout pa rin sa LB dahil sa bagyo (at hindi rin ako sanay mag-blog sa ibang PC). Minsan na rin lang ako nakakauwi ng San Pablo kaya naman gusto ko din talagang magliwaliw sa bayan. Pero anak ng tokwa, nakakadismaya ang mga pangyayari wala pang isang oras ang nakakalipas. Ako’y adwang-adwa.
Habang pinapa-carwash ko ang sasakyan, naisipan ko munang maglakadlakad sa bayan. Naghanap na rin ako ng internet cafe para magpalipas ng oras. Pagdaan ko sa tapat ng isang beerhouse, may nakita akong isang batang lalake na nasa loob ng isang nakaparadang jeepney at nagulat ako sa aking nasaksihan. Sigurado ako na wala pa siyang sampung taong gulang pero yung rugby na sinisinghot niya sa loob ng hawak niyang bote ay tiyak na nagkakahalaga ng lampas sampung piso. At habang sumisinghot siya ay may mga kalalakihan (wari ko mga tsuper) na abalang-abala sa paghuhuntahan sa tabihan mismo ng jeepney. Hindi ito ang unang pagkakataon na nakakita ako ng nagru-rugby dito sa amin pero hindi ko alam na ganito na pala katalamak ang gawaing ito sa lungsod namin. At tulad nung ginawa ko noong isang taon, nang may nasaksihan akong binata na sumisinghot rin ng rugby sa tabing kalsada, naisipan kung isumbong sa awtoridad ang aking nakita. Wala pang isandaang metro sa kinalalagyan nung batang adik, nakita ko ang barangay hall ng lugar na iyon kaya’t naisipan ko na doon na lang magsumbong. Pagpasok ko ng pinto, may dalawang lalaki, ang isa ay nag-mamakinilya at ang isa nama’y nanonood ng TV. Hindi ko malilimutan ang aming pag-uusap.
Ako: Sir, good afternoon po. May ire-report po kasi ako. May nakita akong bata, sumisinghot ng rugby doon sa kabilang kanto.
Unang Lalaki: Ah, talaga? Saan mo nakita?
Ako: Doon po sa tapat ng Patio, nasa loob siya ng jeep.
Pangalawang Lalaki: (Tumingin nang saglit sa akin tapos nanood uli ng TV)
Unang Lalaki: Naku, yung mga ganoon eh pinapabayaan na lang kasi kapag dinampot naman nang pulis eh pakakawalan rin naman. Wala rin kasing pagdadalhan ang mga yun.
Ako: Ganoon po ba? Nagulat po kasi ako dahil minsan lang akong umuwi dito sa atin tapos talamak na po pala dito ang rugby tapos sobrang bata pa po nila. Mahirap din naman po kasi kung pababayaan na lang natin. Malay po natin, baka paglaki nila sila ang papatay sa atin.
Pangalawang Lalaki: (Tumingin uli sa akin at mukhang nainis sa hirit ko tapos nanood uli siya ng TV)
Unang Lalaki: Oo nga, eh. Wag kang mag-alala at gagawan namin ng paraan.
Ako: Sige po, sir. Salamat po.
Napailing na lang ako paglabas ko ng barangay hall. Hindi ako mabuting mamamayan pero anak ng puta, mga opisyal sila ng barangay tapos parang hindi ganoon kaseryoso ang sitwasyon. Dapat malaman ito sa city hall, ng mga konsehal, ng mayor. Pero pupusta ako na alam na nila itong problemang ito at may mga nauna nang nagreklamo sa akin.
Hindi ko alam kung sino ang bangag: ang bata na nakita kong sumisinghot ng rugby o ang mga opisyal ng barangay at city hall?
Aba, wag na wag silang magugulat kung isang araw ay mabalitaan nila na ang isa sa mga anak nila ay nasaksak o nabaril ng isang adik.